ALABEL, Sarangani (Hulyo 22, 2014) - Matagumpay muli ang pagsasagawa ng Sarangani Province ng ika-anim na taon ng Grand Iftar dinner nitong ika-18 ng Hulyo sa Provincial Capitol Gym.
Dumalo rito ang daan daang Muslim employees ng kapitolyo, religious at community leaders, Azatids, Imams, mga ka-partner sa pagpapalaganap ng kapayapaan, mga lider ng mga munisipyo, barangay, at maging ng mga panauhin mula sa iba’t ibang lugar kagaya ng kalapit na Syudad ng Heneral Santos.
Bago nagsimula ang Iftar o “breaking of fast,” sabay sabay munang nagdasal ang mananampalatayang Islam para ipagpasalamat ang mahalagang okasyon.
Napakinggan din ang mga mensahe mula sa mga taga tagapagsalita. Naging makabuluhan ang mensahe ng keynote speaker na si National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Secretary Yasmin Busran-Lao. Ayon sa kalihim, hindi kailangang magarbo ang paggunita ng Ramadhan. Hindi ito panahon kung kailangan dapat maging enggrande ang ihahain sa hapag-kainan. Sa halip, aniya, isaisip at isapuso ang tunay na diwa ng pag-aayuno. Maliban sa pagdarasaI, dapat umanong maging tapat sa sarili sa mga nais baguhin sa sarili para sa kabutihan. Pero ayon kay Lao, hindi lang tuwing panahon ng Ramadhan ito ginagawa kung hindi araw-araw.
Sa pagpapatuloy ng kanyang mensahe, binigyang diin ni Secretary Lao ang mga mabubuting ginagawa ngayon ng probinsya sa pamumuno ni Sarangani Governor Steve Chiongbian Solon. Hinahangaan niya ang direksyong nais tahakin ng gobernador na maging isang “God-centered” ang pag-unlad ng probinsya.
Sabi pa ni Lao, hindi raw siya nagdalawang isip na tumugon sa imbitasyong maging tagapagsalita sa Grand Iftar ng probinsya dahil sa magaganda umano ang kanyang naririnig tungkol sa mga ginagawa ng gobernador.
“Bihira para sa isang lider na maging sensitibo sa mga pangangailangan ng magkakaibang pangkat ng tao sa isang lugar. Ang inyo pong gobernador, ay nakikinig sa inyong mga pangangailangan at gumagawa ng mga hakbang sa pamamagitan ng mga proyektong tiyak na makatutulong sa mga komunidad,” ayon kay Lao.
Ang Sarangani ay may iba ibang lahi at tribung nakatira. Sa mga naririnig umano ni Lao, mapa-Muslim man, Lumad o Kristiyano, ramdam umano ng mga tao na kaisa nila ang gobernador at kabilang sa kanilang pangkat.
Dahil napapanahon, inihalimbawa ang pagsuporta ni Gov. Solon sa Madaris Program ng buong probinsya. Sa kasalukuyan, nasa tatlong libo at limang daang piso ang honorarium ng bawat madaris facilitator. Nasa isang daan at dalawampu’t lima ang kanilang bilang. Ang Madaris facilitators ang siya ring tawag sa Madrasah teachers. Pero may hakbang na muli para madagdagan pa ang pondo para sa programa, na suportado nina Vice Governor Jinkee Pacquiao, Congressman Manny Pacquiao, kabilang na ang lahat ng board members ng Sangguniang Panlalawigan.
Matatandaang sa unang pagkakataon din, nabuo ang Province of Sarangani Muslim Employees Association o PROGSARMEA para sa kapakanan ng mga empleyadong Muslim sa probinsya. Nanumpa ang mga ito noong 2013.
Ngayon, nais ni Gov. Solon na maituloy naang pagbuo ng Azatids federation para mas maging matibay pa ang programa ng Madaris ang masustena ito. (Charito Ansagay/PROVINCIAL GOVERNOR’S OFFICE)
No comments:
Post a Comment