Ni April Jane Cagas Ugsad
ALABEL, Sarangani (Agosto 4, 2014) — Matagumpay ang isinagawang pabuka (iftar) ng Probinsya ng Sarangani sa mga munisipyo nito kasabay ng pagtatapos ng Ramadan.
Unang pagkakataon na nagkaroon ng pabuka sa mga munisipyo sa ilalim ng Sulong Sarangani flagship program ni Governor Steve Chiongbian Solon.
Ang pabuka o breaking of the fast ay ang pagsalo-salo ng mga kapatid na Muslim sa hapunan sa loob ng buwan ng Ramadan.
Namahagi rin ang probinsya ng mga sakong bigas sa lahat ng mga madrasah o Muslim school para magamit sa katatapos lang na Eid’l Fitr o katapusan ng pag-aayuno.
Inikot ng Sulong Kapayapaan team ang buong lalawigan para masabayan ang mga pabuka sa mga munisipyo at maihatid ang kaunting tulong sa mga madrasah.
Malaki ang pasasalamat ng mga imam, ustadz, religious at community leader sa hakbanging ito ng provincial government.
Ayon kay Imam Nasser Ukom ng Barangay Domolok, Alabel, “libu-libo po ang pasasalamat naming mga Muslim dito sa Domolok kina Gov. Solon sa kanilang ibinigay na bigas.”
“OK itong ginawa ni Gov. Solon kahit noong siya ay vice governor pa. Malaki ang aming pasasalamat dahil ipinagpatuloy niya ito bilang pagmamahal niya sa aming mga Muslim,” ang sinabi ng mga ustadz ng Barangay Calabanit, Glan.
Una nang binati si Governor Solon ni Secretary Yasmin Busrao-Lao ng National Commission on Muslim Filipinos na pangunahing pandangal ng Grand Iftar ng Sarangani noong Hulyo 18 sa Capitol Gym na “kahit hindi siya Muslim, para na rin siyang Muslim.”
Ipinagmalaki ni Secretary Lao ang naririnig niyang kahanga-hangang pamumuno ni Governor Solon na kumikilala at tumutulong sa lahat ng relihiyon, pangkat at kultura na naninirahan sa probinsya.
“Sa narinig ko, ang pakiramdam ng mga Muslim dito sa Sarangani ay mayroon silang Muslim na lider,” sabi ni Secretary Lao. “And that’s the best of what leadership can do,” dagdag niya.
Ayon kay Jasmin Casim na taga-Barangay Pangyan, Glan, “kahit umuulan, dumalo pa rin si Gov. Solon dito sa aming lugar. Malaki ang pasasalamat namin sa programa ng Sulong Sarangani.”
Ang mga pabuka ay naging matagumpay dahil sa malaking tulong nina Congressman Manny Pacquiao, Vice Governor Jinkee Paquiao at mga Sangguniang Panlalawigan members. (April Jane Cagas Ugsad/PROVINCIAL GOVERNOR’S OFFICE)
No comments:
Post a Comment