Ni CHARITO ANSAGAY
ALABEL, Sarangani (Hulyo 11, 2013) - Maliban sa nakamamatay na dengue, naka-alerto rin ang probinsya ng Sarangani sa isa pang sakit mula sa kagat ng lamok, ang chikungunya.
Napabalitang nagkaroon na ng outbreak ng sakit sa mga karatig lugar sa SOCSKSARGEN.
Hindi man ito nakamamatay, pero kung hindi agad nagamot, maaaring tumagal ang epekto nito sa isang tao at magdulot ng arthritis.
Ayon kay Dr. Arvin Alejandro, ang provincial health officer, hindi dapat bale walain ang chikungunya. Kaya para maiwasan, naipakalat na rin ang impormasyon hinggil sa sakit sa mga munisipalidad.
Kahalintulad sa dengue ang mga sintomas ng chikungunya tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, pagkakaroon ng rashes na may kasamang pananakit ng kasu-kasuan o severe joint pains.
Parehong vector o uri ng lamok ang nagdadala ng chikungunya virus, kaya mabisa pa ring tanggalin ang lahat ng maaaring pamugaran ng kiti-kiti. Hindi lang nangingitlog ang lamok sa mga naka-pondong tubig, kundi pati na rin sa mga kagamitang laging nababasa ng tubig.
Panawagan naman ni Governor Steve Chiongbian Solon sa mga residente, mag-report agad sa mga health center sakaling may napansing sintomas sa miyembro ng pamilya.
Ang chikungunya ay hindi agad nakukumpirma sa simpleng blood test lang. Kailangan pa itong ipadala sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM.
Huling nagkaroon ng kaso ang Sarangani sa bayan ng Kiamba noong Disyembre 2012 hanggang Enero ng 2013. (Charito Ansagay/SARANGANI INFORMATION OFFICE)
No comments:
Post a Comment