Thursday, October 10, 2013

Sarangani seryosong labanan ang dengue

Ni CHARITO ANSAGAY
 
ALABEL, Sarangani (Hulyo 8, 2013) - Sa pinakahuling tala ng provincial epidemiology and surveillance unit ng Sarangani, base sa morbidity week 27, mahigit 900 na ang tinamaan ng dengue.
 
Anim sa mga ito ang nasawi.
 
Kaya naman puspusan ang probinsya sa pagpapatupad ng mga hakbang para labanan ang dengue. Patuloy ang vector control o pamimigay ng mga kemikal, sprayers, bed nets, curtain retreatments at iba pang panlaban sa lamok.
 
Araw-araw ring ineengganyo ang mga residenteng maglinis ng kapaligiran, pagpapakalat ng impormasyon kaugnay ng sakit at maya’t mayang surveillance at hinihikayat din ang agarang pag-rereport sakaling may mamonitor na may sintomas ng sakit.
 
Pero, naririyan pa rin ang pangamba.
 
Kaya nitong Lunes, isang kompanyang nakaimbento ng Kiti-kiti X, isang uri ng mosquito larvicide, ang nagpresenta sa mga opisyal ng Sarangani.
 
Tulad ng ibang naimbento, pinapatay nito ang mga kiti-kiti.
 
Kaibahan lang daw ng larvicide na ito - Hindi naka-kalason, sa tao man o sa mga hayop. Ipinagmamalaki ng kompanyang MYKL Incorporated, umorder na ang Department of Health sa kanila na nagkakahalaga ng halos kalahating milyong piso.
 
Patunay raw na epektibo ang produkto - Nang bumaba ng 97 percent ang dengue cases sa ilang lugar gaya ng Silay City mula nang ginamit ang larvicide para sa mga taon ng 2007 at 2008.
 
Interesado ang probinsya at mga opsiyal, pero balak muna ng mga itong subukin ang bisa.
 
Limang daang piso ang halaga ng isang kilo. Pinag-paplanuhan na ang pag-bili ng produkto, para maipamimigay sa mga bayan.
 
Pero hindi pa rin daw dapat isawalang bahala ang mga isinusulong ng gobyerno kagaya ng paglilinis ng kapaligiran o ang 4s, lalo ngayon at madalas na naman ang pag-ulan. (Charito Ansagay/SARANGANI INFORMATION OFFICE)

No comments: